Filtered By: Topstories
News

Island-to-island zipline, bagong atraksyon sa Hundred Islands sa Pangasinan


Bukod sa tradisyunal na sight-seeing sa pamamagitan ng bangka sa Hundred Islands sa Alaminos, Pangasinan, maaaari na ring masilayan ang ganda ng mga isla nito sa itaas sa pamamagitan ng zipline.
 
Ipinagmamalaki ng pamunuan ng Alaminos ang island-to-island zipline na bagong atraksyon sa Hundred Islands. Mayroon itong haba na 546 meters at taas na 450 ft above sea level.
 
Ayon sa ulat ni Jette Arcillana ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabi nito na para makarating ang lugar, kailangang sumakay ng bangka papuntang Governor's Island, at aakyat ng hagdanan patungo sa viewing deck nito.

 
Nagkakahalaga ng P250 ang bawat sakay sa zipline, kung saan masisilayan ang magandang tanawin ng Hundred Islands.
 
Dagdag-atraksiyon din sa lugar ang 15 ft na rebulto ni St. Joseph the Carpenter sa viewing deck ng Governor's Island. Simbolo raw ito ng pasasalamat ng lungsod sa biyayang natatanggap nila.
 
Iniimbitahan naman ni Mayor Arthur Celeste ng Alaminos ang mga Pilipino na bisitahin at mamasyal sa ipinagmamalaki nilang Hundred Islands. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News